Inanunsyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na sumisipa na naman ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang siyudad mula nang pumasok ang buwan ng Disyembre.
Ayon kay Belmonte, mula sa 400 ay sumipa sa 800 ang mga naitatalang aktibong COVID-19 cases sa kanilang lungsod ngayong buwan.
Posible aniya na ito ay dahil sa tila nakaliligtaan na umano ng kanilang mga residente na mayroon pa ring umiiral na pandemya, kaya hindi na sumusunod sa mga umiiral na health protocols.
Nanawagan naman ang alkalde sa mga residente ng QC na sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na panuntunan upang maiwasan ang hawaan ng nakamamatay na virus.
Batay sa datos mula sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 808 ang kumpirmadong active cases mula sa mahigit 26,000 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.
Una rito, naglaan na rin ng P1-bilyon ang Quezon City government para sa kanilang COVID-19 vaccination program para sa susunod na taon.
Sinabi ni Joseph Juico, co-chair ng Quezon City Task Force, gagamitin din ang nasabing pondo para sa pagbili ng iba pang mga gamit na makatutulong sa kanilang programa gaya ng syringe, gloves and personal protective equipment (PPE).