Nasa high risk na ang mga ICU beds ngayon sa mga ospital sa bansa dahil sa tuloy-tuloy na pag-angat ng bilang ng mga bagong pasyente na tinatamaan ng COVID-19.
Sa buong bansa ang ICU bed ay nasa 71 percent ang occupancy rate habang sa NCR ay nasa 72% na matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang 14,610 na mga bagong kaso.
Bahagya lamang ito na mababa kumpara sa nakalipas na Linggo.
Pero ito na ang ikatlong sunod na araw na mahigit sa 14,000 ang naitatala sa daily cases ng DOH.
Dahil dito ang mga COVID cases mula noong nakalipas na taon sa Pilipinas ay umaabot na sa 1,755,846.
Napakarami rin naman ang mga bagong gumaling na nasa 10,674 pero mas dumami naman ang mga pasyente na nagpapagaling pa.
Ito ang mga active cases ngayon na nasa 106,672 na.
Ito ang pinakamataas na bilang mula noong Abril 22.
Ang mga nakarekober sa bansa dahil sa virus ay nasa kabuuang 1,618,808 na o katumbas ‘yan ng 92.2 percent.
Samantala meron namang bagong mga namatay na umaabot sa 27.
Ang death toll sa Pilipinas ay nasa 30,366 na.
Gayunman merong pitong mga laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 6.1% (106,672) ang aktibong kaso, 92.2% (1,618,808) na ang gumaling, at 1.73% (30,366) ang namatay,” bahagi ng abiso ng DOH. “Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 14, 2021 habang mayroong 7 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 7 labs na ito ay humigit kumulang 1.5% sa lahat ng samples na naitest at 1.6% sa lahat ng positibong mga indibidwal.”