-- Advertisements --

Inamin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang tunay na dahilan ng deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na suspension of military operations (SOMO) laban sa New People’s Army (NPA) ay para makapagpahinga ang mga sundalo, kasama ang kani-kanilang pamilya sa Pasko at bagong taon.

Sa panayam kay Lorenzana, tiniyak nitong ipapatupad nila ang direktiba ng pangulo, kung saan bibigyan ng break ang mga sundalo ngayong holiday season.

Una nang sinabi ng kalihim na hindi siya nagrekomenda ng ceasefire at ito ay desisyon ng pangulo.

Dagdag pa ng kalihim, pagkakataon din ito para makauwi sa kani-kanilang bahay ang mga NPA members at kung hindi sila magdeklara ng ceasefire ay kanila na itong problema.

Inihayag ni Lorenzana na walang balak ang pangulo na isulong muli ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF.

“Yes, yes saka they can also celebrate christmas with their families also siguro bigyan din natin ang mga NPA na makauwi sa mga bahay bahay nila ngayon kung di sila mag declare ng ceasefire thats their problem,” pahayag ni Lorenzana.

Samantala, tiniyak naman ni AFP chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero na nasa active defense position ang mga tropa at nakahandang makipagsagupaan sa mga NPA sakaling sasalakayin ang kanilang mga kampo.

Sinabi ni Guerrero naka-focus ngayon ang AFP sa pagpapatupad ng SOMO na tinatawag ng militar na suspension of offensive military operations.

Binigyang-diin naman ni Guerrero na kanila pa ring kinukunsiderang terorista ang CPP-NPA.

Direktiba naman ni Guerrero sa mga tropa na manatili sa active defense mode at tiyakin na mapro-protektahan ang mga komunidad sa posibleng pag-atake ng NPA.

Sa isyu ng alegasyon ng NPA na tatraydurin ng AFP ang ipinapatupad na SOMO, inaasahan na raw ng militar na sasabihin ito ng mga rebelde.

Sa katunayan, batay sa karanasan ng AFP, ang NPA umano ang lumalabag.

Isa na rito ang ginagawang recruitment habang may ceasefire.

“For now eh mag concentrate muna tayo sa instructions na ibinigay so nag iimplement kami ng suspension of military operations from 23-26 december. Technically we call it as suspension of offensive military operations and to be on active defense of course and to make sure we continue protecting yung mga communities natin,” pahayag ni Guerrero.