Inihatid na sa kaniyang huling hantungan isang araw matapos na pumanaw ang actor na si Sonny Parsons nitong Lunes.
Kinumpirma ng anak ng 61-anyos na singer/actor na si Nicole Villarama Sta. Maria, alinsunod sa tradisyon ng Muslim na dapat mailibing ang mga pumanaw nila sa loob ng 24-oras.
Humingi na lamang ng paumanhin si Nicole sa mga fans na hindi na nakadalaw sa burol dahil sa restriction ng coronavirus pandemic.
Sinunod lamang nila ang hiling ng ama noong ito ay nabubuhay pa.
Magugunitang inatake sa puso ang actor habang ito ay nasa charity fundraising event sa Tayabas, Quezon nitong Linggo ng umaga.
Si Datu Parsons Agliam Nabiula Jr ay naging bahagi ng sikat na grupo noong dekada 70 at 80 na ‘Hagibis’.
Pinasok niya ang pag-aartista noong ’90 at naging konsehal din ng Marikina City.