Naka-isolate ngayon ang actress na si Candy Pangilinan matapos na ma-diagnose siya ng shingles.
Ang nasabing sakit ay isang viral infection na nagdudulot ng mahapding pamamantal sa balat.
Ito ay dulot ng varicella-zoster virus o ang virus na nagdudulot ng chickenpox o bulutong tubig.
Sa social media account nito ay nagpost ito ng video at ipinakita ang kalahating mukha na tinakpan ng gaza.
Napilitan siyang mag-isolate para hindi mahawa ang mga kasamahan niya sa bahay.
Kuwento pa ng actress na kumonsulta siya sa kaniyang dermatologist at nakitang mayroon siyang shingles kaya binigyan siya agad ng gamot para mapatay ang virus.
Pinayuhan din siyang magpatingin sa ophthalmologist para masuri ang bahagi ng mata na nagkaroon ng pangangati rin.
Malapit na rin aniya itong gumaling at ipinagdarasal niya na hindi na ito lilipat sa ibang tao.