Naglabas ng public apology ang ad agency na ‘Gigil’ na nasa likod ng kontrobersyal na ‘Gil Tulog’ ads.
Ito ay matapos umani ng batikos ang ginawang pagpapalit sa mga Gil Puyat street sign sa Makati City at ginawang Gil Tulog.
Nakasaad sa public apology ang paghingi ng naturang kompanya ng paumanhin sa buong Puyat family at iba pang naapektuhan ng kanilang advertisement.
Ayon sa ad agency, bagamat nakakuha ito ng lahat ng kinakailangang mga permit at clearance ay hindi umano kaaya-aya ang kinalabasan ng ad campaign, kayat agad itong itinigil.
Una na rin umano itong nakipag-ugnayan sa pamilya ng dating Senate President upang ipa-abot ang pagsisisi sa ginawa at inilabas na ads.
Bago nito ay naglabas ang advertising regulatory body na Ad Standards Council ng (ASC) pag-aalala ukol sa umano’y pagyurak at paglapastangan sa ‘Gil Puyat’ na ipinangalan sa kilalang kalsada.
Sinundan din ito ng paghahain ng isang formal complaint ng pamilya ng dating Senate President at hiniling na ma-suspend o pagbawalan na ang naturang ad agency.
Maalalang ikinagalit din ni Makati City Mayor Abby Binay ang lumabas na ads at agad ipinag-utos ang pagtanggal sa mga ito.