-- Advertisements --

Kinumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa plenaryo ng mataas na kapulungan ang ad interim appointment ni Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture. (DA).

Ito ay matapos na patunayan ni Representative Albert Garcia na namumuno sa CA Committee on Agriculture na ang pamumuno ni Tiu Laurel sa iba’t ibang agricultural and fishing enterprise ay makatutulong sa kanya na mapalago ang sektor ng agrikultura at pangingisda.

Bago makumpirma si Laurel bilang bagong kalihim ng ahensya, nangako ito na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para muling mapasigla ang sektor ng agrikultura.

Bilang bilin din aniya ng dating Secretary ng DA at pangulo ng bansa na si Presidente Marcos, makikipagtulungan si Laurel sa national and international law enforcers na masugpo ang food hoarders, price manipulators, at smugglers.

Plano rin nito aniya na gawing sustainable ang agrikultura ngunit mananatiling prayoridad ang produksyon ng palay.

Samantala, sa plenaryo, kinatigan din ni ca Vice Chairpersonn Representative Ramon Guico Jr. ang kumpirmasyon ni Tiu Laurel bilang bagong kalihim ng DA.

Naniniwala si Guico na mapangangasiwaan ni Laurel ang krisis na kinahaharap ng ahensya gayundin na mapalakas ang sektor nito at mapaunlad ang ekonomiya.

Pinagtibay din ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kumpirmasyon ni Tiu Laurel.

Bilang matagal na sila aniyang magkaibigan, at kilalang matapang, umaasa si Zubiri na mapamamalas din ni Laurel ang kanyang tapang sa paglaban sa mga smugglers.