-- Advertisements --

Mas pagtutuunan ng Asian Development Bank (ADB) ang makapagbigay ng mas marami pang trabaho sa bansa sa pamamagitan ng financing program nito.

Ito’y matapos suportahan ng ADB ang programa ng pamahalaan ng Pilipinas upang labanan ang coronavirus disease pandemic.

Sa isinagawang Task Group on Economic Recovery-National Employment Recovery Strategy (TGER-NERS) Job Summit ngayong Labor Day, sinabi ni ADB Philippines country director Kelly Bird na mayroong $3.5-billion lending program ang institusyon para sa Pilipinas ngayong taon upang suportahan ang mga infrastructure projects na lilikha ng trabaho para sa maraming Pilipino.

Ayon kay Bird, ang infrastructure projects na popondohan ng ADB ngayong taon ay kinabibilangan ng Malolos-Clark Railway Project, South Commuter Railway Project, Davao Modern Bus Project, Metro Manila Bridges Project, at Palawan Sustainable Tourism Project.

Batay aniya sa pagtataya ng ADB ang $1-billion ng infrastructure investments ay dadagdag sa $1.5-billion sa gross domestic product (GDP).

Ang mga nasabing proyekto ay makakatulong din umano para sa muling pagbangon ng ekonomiya at employment sa bansa.

Nakipagtulungan na rin ang ADB sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para turuan ng mga bagong kakayahan ang mga kabataan para sa transition ng mga ito sa job market.

“This includes DOLE’s flagship program JobStart Philippines that has helped more than 20,000 out-of-school young Filipinos find meaningful employment,” wika ni Bird.

Dagdag pa nito na layunin ng ADB na suportahan ang gobyerno sa mga naturang programa na tutulong din upang pahupain ang tumataas na unemployment rate bagkus ay dagdagan pa ang bilang ng mga manggagawa sa informal sector na lubhang apektado ng pandemya.

“The Build Build Build infrastructure program, tax reforms, regulatory reforms, and by sector reforms places the Philippines in very good position to return to its economic growth of above 6 percent,” saad ng ADB executive.

Noong Marso, inaprubahan ng ADB ang $400-million na loan na gagamitin para sa COVID-19 vaccination program ng bansa.

Noong nakaraang taon naman ay nagbigay ito ng institutional financing na nagkakahalaga ng $4.2 billion para sa Pilipinas.

Sa pondo naman na inilaan ng ADB para sa Pilipinas noong 2020, $1.8 billion dito ang napunta sa fiscal at health response ng pamahalaan, at $10 naman para sa pagtatayo ng mga modernong laboratoryo sa San Fernando, Pampanga, na kayang magproseso ng 3,000 COVID-19 tests bawat araw.