LAOAG CITY – Hindi umano maaapektuhan ang adbokasiya ni ACT Partylist Representative France Castro matapos itong ma-convict sa kasong paglabag sa RA 7610 o Anti Child Abuse Law kasama si dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo.
Ito ang sinabi ni dating congressman at ngayon Bayan Muna Executive Vice President Atty. Carlos Isagani Zarate kung saan pinag aaralan na ng kanilang mga abogado ang naging desisyon ng korte at kanila itong iaapela sa Court of Appeals matapos na mahatulan ng guilty sa nasabing kaso mula sa tatlong kasong isinampa kabilang na ang kidnapping at trafficking of person.
Inihayag nito na hindi nila inaasahan ang resulta sa isinampang kaso na gawa gawa lamang umano matapos ang ginawang humanitarian mission noong 2018 ng naturang grupo dahil na rin sa ginawa umanong panghaharass ng mga militar sa mga mag aaral na Lumad sa pamamagitan ng pagpapasara ng kanilang paaralan sa Davao Del Norte.
Matagal na umano nilang abokasiya na tumulong kung kayat naniniwala sila na walang naging kasalanan ang mga nahatulan dahil hangad lamang nilang matulungan lalo na ang mga biktima ng karahasan.
Una rito ay hinatulan ng korte sa Tagum, Davao Del Norte ng hanggang anim na taong pagkakakulong sina Castro at Ocampo kabilang pa ang labing isang indibidwal dahil sa paglabag sa section 10 Anti Child Abuse Law habang pinawalang bisa naman ang kaparehong kaso na isinampa laban sa apat na pastor.
Inatasan din ng korte na magbayad ang mga ito ng P10,000 bilang civil indemnity at P10,000 bilang moral damages sa kada menor de edad na may interes na 6% per annum mula sa pinal na desisyon hanggang mabayaran.