GENERAL SANTOS CITY- Posibleng simulan na sa buwan ng Marso at matapos sa buwan ng Setyembre ng grupong Mindanao Independence Movement ang kanilang adbokasiya para maging independent ang Mindanao.
Ito’y matapos kinumpirma ang roundtable discussions sa pangunguna ni Ex-President Rodrigo Duterte kasama ang iilang kaibigan at dating mga opisyal sa Davao City.
Ayon kay Atty. Rogelio Garcia na kinilala ng MIM o Mindanao Independence Movement si Rep. Pantaleon Alvarez na lead convenor habang mangunguna naman dito sa General Santos si Atty. Emmanuel Fontanilla ang abogado ng grupong Moro National Liberation Front.
Inamin ni Atty Garcia na mataas na proseso ang kailangang gawin bago maangkin ang kinasabikang kalayaan mula sa Republika ng Pilipinas habang gugugulan din ng panahon ang pagsagawa ng mga debate na dadaluhan ng mga sektor sa academya, religious groups , estudyante at mga pulitiko.
Gagamitin umano ng MIM ang Kosovo doctrine para mahiwalay ang Mindanao mula sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Atty. Garcia na kanila ding dadalhin sa kanilang adbokasiya ang paksa sa Charter Change at Peoples Initiative.