-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinontra ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang ipinapanukala ng ilang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na galawin muna ang pondo sa ilang “Build, Build, Build” projects upang itulong sa mga apektado ng coronavirus crisis.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Escudero na dapat na ituloy ang “essential infrastructure projects” dahil una na itong na-bid.

Inihalimbawa pa nito ang proyekto sa EDSA Bypass Road na “perfect time” na umanong ituloy lalo pa’t walang gaanong tao.

Dagdag pa nitong may ilang proyektong dapat na naumpisahan na sana noong mga nakaraang linggo subalit umaasang magagawa pa sa mga susunod na linggo.

Samantala, tinatayang nasa P1.2 trillion pa umano ang “unused savings” sa nakaraang taon na maaaring magamit sa economic stimulus package ng pamahalaan sa mga apektado ng krisis.

Sakaling kulangin, maaari naman aniyang mangutang kaysa galawin ang pondong dati nang may pinaglaanang iba.