VIGAN CITY – Inamin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bagama’t mayroong isinasagawang quarterly earthquake drill, marami pa rin ang nagiging casualty kapag tatama ang malakas na lindol dahil mayroong mga indibidwal na hindi sineseryoso ang nasabing drill.
Dahil dito, sinabi sa panayam ng Bombo Radyo Vigan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chief Usec. Ricardo Jalad na kinakailangang hindi lamang sa disaster preparedness o sa pagsasagawa ng drill ang kinakailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.
Aniya, kailangan din umanong bigyang-pansin ng pamahaalan ang disaster risk management o ang pagbabawas sa epekto ng mga sakunang tatama sa bansa.
Isa umano sa mga posibleng gawin upang epektibong maipatupad ang disaster risk management ay ang pagtukoy sa mga lugar na delikado sa mga lindol upang masabihan na ang mga residente na huwag na silang magtayo ng kanilang mga bahay doon nang sa gayon ay maiwasan ang maraming casualty sa mga nasabing pangyayari.
Samantala, ipinaabot din ng NDRRMC chief ang pagkilala sa kahandaan ng mga local government unit sa pagresponde sa mga sakuna, kagaya na lamang ng nangyari sa lalawigan ng Pampanga, kasama ng mga uniformed personnel at iba pang concerned groups.
Ngunit, iginiit nito na kailangan pa ring isipin ang mga epektibong paraan upang maitupad ng maayos ang disaster risk management.