Burado na ang lahat ng administrative cases na kinakaharap ni dating Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog matapos bigyan ng executive clemency ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
At dahil dito balik na rin ang civil and political rights ni Mabilog ibig sabihin maari na rin siya tumakbo sa halalan.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ginawaran ng Pangulong Marcos si mabilog ng executive clemency dahil sa kaniyang magandang track record sa good governance na may kasamang mga awards and recognition kung saan kinilala ang kaniyang kahusayan sa pamamahala sa Iloilo City.
Pinagbatayan ng Malakanyang ang paggawad ng executive clemency ay ang October 23, 2017 desisyon ng Office of the Ombudsman kung saan dinismiss si dating Mayor Jed Patrick Mabilog sa paglabag sa Section 3 paragraph H ng RA No. 3019.
Kung matatandaan, si Mabilog ay naharap sa ibat ibang kaso kung saan siya nadismiss sa pwesto.
Kabilang dito ang kasong dishonesty at grave misconduct na isinampa ng dating Iloilo provincial administrator noong 2013.
Naglabas ng resolusyon ang korte noong 2017 na guilty si Mabilog sa kasong serious dishonesty dahil sa pagtataglay nito ng hindi maipaliwanag na yaman.
Kinuwestiyon kasi ang nadagdag nitong yaman na P8.9 milyong piso sa loob lamang ng isang taon.
Samantala, noong 2016 naman nang isama siya sa drug list at inakusahan ito ni dating Pangulong Rodrido Duterte na diumanoy kabilang sa narcopoliticians, kaya nagtago ito nang matagal sa ibang bansa.
Nakasuhan din ito ng panibagong graft kamakailan at dinidinig pa ito hanggang ngayon.
Nuong Setyembre ng nakalipas na taon nang bumalik sa bansa si Mabilog at naghain ng piyansa para sa kaso niyang graft.
Lahat ng ito ay dinipensahan ni Mabilog kaya naghain ito sa Office of the President ng petisyon para sa executive clemency at pagtatanggal sa kaniya ng administrative penalties at disabilities na pinagbigyan naman ng palasyo.
Dahil dito, sinabi ni Bersamin na pwede na ulit makatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno si Mabilog.