CENTRAL MINDANAO- Itinalaga na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Government si Cotabato 1st District Board Member Mohammad Kelly Antao bilang taga-pangalaga o Administrador ng 63 barangay sa probinsya ng Cotabato na napasama na sa Special Geographic Area ng rehiyon.
Kabilang rito ang 2 barangay sa Aleosan, 7 sa Carmen, 7 din sa Kabacan, 13 sa Midsayap, 12 sa Pigcawayan at 22 naman sa Pikit.
Maliban kay BM Antao, kasama din sa pinagpilian na maging caretaker para rito ay sina Board Member Dulia Sultan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) Local Monitoring Team Head Habib Guiabar.
Samantala, nahati naman sa 8 cluster ang mga naturang barangay sa North Cotabato at may itinilagang Area Coordinators ang BARMM Government.
Kabilang sa mga magiging Area Coordinator ay si Ibrahim Rahman para sa Pigcawayan; Duma Mascod at Mohamad Tayuan para sa 2 cluster ng Midsayap; Abdulatip Tiago, Jimmy Adil at Commander Nayang Timang para sa 3 cluster ng Pikit; MILF Local Monitoring Team Head Habib Guiabar para sa Kabacan; at Esmael Maguid para sa Carmen.
Kung maaalala, pumabor sa Bangsamoro Organic Law at binoto ang yes sa nakalipas na plebisito ng mga residente ng 63 barangay sa North Cotabato.