-- Advertisements --
4Ps 1

Upang sugpuin ang epekto ng pandaigdigang inflation sa mahihirap, ang administrasyong Marcos ay nagmumungkahi ng P112.8-bilyong badyet para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2024.

Inihayag ng Presidential Communications Office, sasakupin ng alokasyon ang mga grant sa edukasyon at kalusugan na tinatayang aabot ng 4.4 milyong kabahayan, bukod pa sa rice subsidies.

Ang alokasyon para sa programa ngayong taon ay P102.61 bilyon.

Binago ng administrasyong Marcos ang listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps at inalis sa listahan ang mga hindi na karapat-dapat na tumanggap ng suporta, para bigyang puwang ang bagong batch ng mga benepisyaryo.

Noong Hulyo, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na patuloy ang pagsusuri sa mga benepisyaryo upang matukoy kung sino sa kanila ang maaaring “magtapos” sa programa.

Isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives noong Agosto 2 ang panukalang P5.768-trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2024.

Ang proposed national budget ay katumbas ng 21.7 percent ng Gross Domestic Product ng bansa at 9.5 percent na mas mataas sa P5.268 trilyon sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.