Patuloy na gumugulong ang administrative proceedings kay MMDA Special Operations Group Strike Force Head Gabriel Go na nasangkot sa kontrobersiya kamakailan matapos mag-viral ang video nito sa isang clearing operations kung saan ipinahiya umano nito ang isang pulis.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, sa lunes, isisilbi niya ang Administrative Resolution kay Go.
Bagamat hindi na muna idinetalye ni Artes kung ano ang laman ng desisyon, nilinaw nitong hindi suspendido o pinatalsik sa pwesto si Go.
Paglilinaw pa ng MMDA, bukas sila sa anumang pagpuna mula sa ibang institusyon pagdating sa kanilang operasyon pero kung nasa tama naman ang kanilang impleyado ay didepensahan nila ito.
Samantala, muling binigyang diin ng MMDA na mahigpit na nilang ipagbabawal ang vlogging sa kanilang empleyado o kahit ang pagbibitbit ng vlogger habang on duty.
Ayon kay Artes, imbes kase na gawin ang kanilang trabaho ay tila ginagawa ng content online ang kanilang operasyon.
Para hindi naman mawala ang transparency sa kanilang operasyon, magdi-deploy sila ng kanilang tauhan na nakasuot ng body worn cameras.
Kaugnay nito, hindi naman pagbabawalan ng MMDA ang publiko na kuhanan sila ng video habang nasa operasyon.
Ang desisyon na ito ng MMDA ay kasunod ng pagsampa ng kasong paglabag sa Article 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ng isang pulis laban kay Go dahil sa pagpapalabas daw nito online ng edited o spliced video nila kung saan ipinahiya umano siya habang nagsasagawa ng clearing operations.