-- Advertisements --

ROXAS CITY – Hinamon ni Office of the Civil Defense Region 6 Director Jose Roberto Nuñez ang publiko na mag-adopt ng pamilya o mga pasaherong stranded sa mga pantalan sa Region 6 dahil sa bagyong Ursula.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nuñez, hinamon nito ang publiko na bumisita sa pinakamalapit na pantalan sa kanilang lugar kung saan may stranded na pasahero at magbigay tulong sa pamamagitan ng pagbigay ng pagkain at iba pa.

Isa rin umano itong pagpapakita ng totoong kahulugan ng Pasko at pagtutulungan ng mga Filipino sa oras ng kalamidad.

Samantala, ipinasiguro ni Nuñez na nakaalerto 24/7 ang kanilang hanay dahil sa naturang bagyo.

Nagbigay na rin umano ito ng hudyat sa Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) sa buong rehiyon para sa kani-kanilang emergency response plan.

Nabatid na nananatiling nasa blue alert status ang kanilang tanggapan dahil sa naturang bagyo.