Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte na magbayad ng advance para sa mga dini-develop na COVID-19 vaccines.
Ibinalita ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna na rin ng magandang resultang ipinapakita ng mga bakunang nasa Phase 3 trials na.
Magugunitang una nang nagpahayag ng pagtutol si Pangulong Duterte sa advance payment scheme ng mga Western pharmaceutical companies.
Sinabi ni Sec. Roque, nagbago ang isip ni Pangulong Duterte nang mabatid nito ang iba pang mga bansang handa ring magbigay ng advance payment.
Ayon kay Sec. Roque, hindi umano papayag si Pangulong Duterte na mahuli ang Pilipinas sa pagsi-secure ng bakuna laban sa COVID-19.
Samantala, inianunyo rin ni Sec. Roque na “approved in principle” na ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) para sa Emergency Use Authority (EAU) ng COVID-19 vaccines na siya namang magpapabilis sa proseso ng pag-apruba dito para magamit na sa bansa.
Inihayag ni Sec. Roque, hintayin na lamang ang kautusang ilalabas ng Malacañang kaugnay dito.