Matagumpay na nalusutan ng advance team ng grupong Atin Ito ang blockade ng China sa bahagi ng Bajo de Masinloc shoal.
Ayon sa naturang civil society group, una na itong nagpadala ng advance team sa Bajo de Masinloc shoal isang araw bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng civilian supply mission noong Mayo 14, 2024.
Ang nasabing advance team ay binubuo ng sampung indibidwal na kinabibilangan ng mga miyembro ng Akbayan Party, Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan, at ng Philippine Rural Reconstruction Movement.
Nakarating ang mga ito sa bisinidad ng Bajo de Masinloc kahapon, Mayo 15, 2024, kung saan agad silang nagpaabot ng donasyong supply sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Sa kasagsagan ng kanilang pamimigay ng donasyon ay nakaranas din ito ng shadowing mula sa navy ship ng China na may body number 17, ngunit gayunpaman ay nagresulta pa rin ang kanilang misyon sa pamamahagi ng aabot sa 1,000 liters ng diesel at 200 food packs para sa mga Pilipinong mangingisda.
Sa isang pahayag sinabi ni Akbayan President Rafael David na co-convenor din ng Atin Ito Coalition na ang tagumpay na ito ay nagsisilbing mission accomplished para sa kanila para sa pagsuporta at pagpapaabot ng essential supplies sa mga mangingisda sa lugar.
Kung maaalala, una nang sinabi ni PCG Spokesperson for the WPS Commo. Jay Tarriela na una pa lamang ay maituturing nang tagumpay ang misyon ng Atin Ito Coalition nang maaga itong makapasok sa Bajo de Masinloc Shoal at makapagpaabot ng mga supply sa mga mangingisda doon na pangunahing layunin naman aniya ng aktibidad na ito.