Dumipensa ang DDB philippines, ang advertising agency na gumawa ng kontrobersiyal na audio-visual presentation ng tourism slogan campaign na “Love the Philippines” ng Department of Tourism (DOT) na wala umanong public funds na nagastos para dito.
Ito ay matapos umamin ang naturang ad agency na gumamit ito ng ilang hindi orihinal na video at hindi kuha sa Pilipinas para sa bagong tourism campaign video.
Paliwanag ng naturang ad agency na sarili nilang inisyatibo at gastos ito para tumulong na maipakilala ang bagong slogan.
Sa isang statement, humingi ng tawad ang ad agency kay DOT Secretary Christina Frasco at sa mga Pilipino sa paggamit ng video clips mula sa ibang bansa gaya ng Indonesia, Thailand at Dubai.
Saad pa ng agency na bagamat isang standard practice umano sa industriya ang paggamit ng stock footage sa mood videos dapat aniya na sumunod ito sa maayos na screening at proseso ng pag-apruba.
Ang naturang presentation din aniya ay ginawang isang mood video para ma-excite ang internal stakeholders sa naturang kampaniya.
Inamin din naman ng agency na ang paggamit ng foreign stock footage para sa tourism campaign ng Pilipinas ay hindi naaayon at salungat sa mga layunin ng DOT.
Ayon naman kay Ina Zara-Loyola, DOT public affairs and advocacy director na ang nasabing video ay hindi parte ng kontrata nito sa DDB philippines kayat walang ibinayad ang DOT para sa nasabing materyal.
Kinumpirma din ng ad agency na tinanggal na ang nasabing Audio Visual presentation at sinabing ito ay isolated incident lamang.
Una rito, nag-ugat ang isyu sa bagong tourism slogan video ng DOT matapos napuna sa online ang paggamit ng mga video na hindi orihinal na kuha sa bansa.
Sinabi naman ng DOT na nagsasagawa na ito ng malalimang imbestigasyon sa naturang isyu.
Inihayag naman ng ad agency na nakikipagtulungan sila sa imbestigasyon.