-- Advertisements --
NCRPO COURTESY RESIGNATION AND DRUG TESTING

Inamin ng itinalagang tagapagsalita ng 5-man advisory group na si Philippine National Police Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan na maaaring kailanganin ng naturang komite ang tulong mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Ito ay sa gitna pa rin ng kasalukuyang pagbabalangkas ng 5-man panel sa kanilang magiging guidelines para sa pagsusuri sa imbestigasyon sa mga heneral at koronel ng Pamabansang Pulisya na nakiisa sa pagsusumite ng courtesy resignation.

Ayon kay Maranan, target kasi ng naturang panel na alamin din ang kaugnayan ng naturang mga police officials pagdating sa operasyon ng ilegal na droga maliban sa pagtingin sa mga documentary review at assessment.

Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan aniya nila ang tulong ng iba pang sangay ng pamahalaan para sa kanilang imbestigasyon.

Samantala, sa kasalukuyan ay pinaplano ng naturang grupo na tapusin ang buong proseso ng kanilang pagsusuri sa lalong madaling panahon na hindi aabutin ng 90 araw o tatlong buwan.

Pagkatapos nito ay itu-turn over nito ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa National Police Commission para naman sa beripikasyon bago tuluyang ipaabot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pinal na listahan ng mga pangalan ng police officials na tinanggap ang courtesy resignation.