GENERAL SANTOS CITY – Mayroon nang advisory ang Securities and Exchange Commission (SEC) upang paalalahanan ang publiko kaugnay sa isa na namang investment scam na lumitaw sa lungsod, ang RIGEN MARKETING (RIGEN).
Sinasabing ang Rigen ay nakabase sa Tagum City, Davao del Norte at umabot na ang operasyon nito sa Davao Oriental at Occidenntal, Davao del Sur, GenSan, at iba pang mga karatig na lungsod at probinsya.
Batay sa advisory, may mga mga indibidwal o grupo na nagrerepresenta sa Rigen at iniengganyo ang publiko na mag-invest sa kanilang kompanya sa pamamagitan ng online o walk-in solicitations.
Ayon umano sa impormasyon na nakalap ng komisyon, ang Rigen ay nakatuon sa pagso-solicit ng investments at nangangako sa publiko ng tubo na 400% sa loob lamang ng isang buwan o mahigit pa.
Batay sa alegasyon, ang Rigen ay inu-operate ng isang personalidad na umano’y “big players” sa Forex and Crypto-Currrency Trading na lisensyado raw sa Singapore.
Iginiit ng komisyon na dahil sa ginagawang pagbebenta ng securities ng Rigen sa publiko, kinakailangan nitong magparehistro sa SEC bilang isang korporasyon, dahilan upang paalalahanan nito ang publiko nga mag-ingat sa pag-i-invest ng kanilang pinaghirapang pera sa kahalintulan na investment scheme na nagbebenta ng hindi rehistradong securities.
Ang sinumang salesman, broker o agents ng Rigen na magbebenta at mag-e-engganyong mag-invest sa kanilang kompanya ay sinasabing mahaharap sa kaso, pagbabayarin ng multang P5 million at makukulong ng nasa 21 taon.