-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghahanap sa apat na nawawalang miyembro Philippine Coast Guard (PCG) sa Cagayan kasama ang ibang ahensiya ng pamahalaan.

Magugunitang nawala ang apat na PCG personnel sa kasagsagan ng paghagupit ng Super typhoon Egay noong July 26, 2023.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Coast Guard Ensign Jesa Pauline Villegas, information officer ng PCG Northeastern Luzon na katuwang na nila sa paghahanap ang Office of Civil Defense (OCD) region 2, Cagayan Police Provincial Office (CPPO), Provincial at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Tactical Operations Group 2 (TOG2) ng Philippine Air Force (PAF), local Police Stations, mga barangay, mga mangingisda at tumutulong na rin ang Joint US Military Assistance Group.

Sa ngayon ay aerial at coastal search na ang isinasagawa ng mga rescuers at napuntahan na nila ang Camiguin, Calayan Islands, Dalupiri Island, Babuyan Islands maging sa Balintang channel.

Magsasagawa na rin sila ng paghahanap sa Northern at Eastern seaboards ng Luzon.

Ayon kay Coast Guard Ensign Villegas, mula nang makita ang aluminum boat na sinakyan ng mga nawawalang PCG personnel noong July 30, 2023 bahagi ng Camiguin-Fuga Island ay nag-focus na silang maghanap sa naturang lugar.

Malaking hamon sa mga rescuers ang signal, weather condition, rough sea condition at sa mga terrain ng mga isla na kanilang hinahalughog.

Dahil mahirap ngayon ang surface search dahil sa matataas na alon sa karagatan ay paiigtingin ng mga rescuers ang coastal search.

Humiling na rin sila ng barko sa national headquarters ng PCG para mapuntahan ang Balintang channel papuntang Batanes.

Ayon kay Coast Guard Ensign Villegas, palaging nasa station nila sa Aparri, Cagayan ang pamilya ng mga nawawalang PCG personnel at nag-aabang ng update sa ginagawang paghahanap ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Nanawagan siya sa mga mamamayan na isama sa kanilang panalangin ang pagkakatagpo na sa mga nawawalang personnel ng PCG.