Ikinokonsidera muli ng Pilipinas ang pagsasagawa ng aerial missions para sa pag-resupply sa tropang Pilipino na nakaistasyon sa military outpost ng bansa na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal para mailagan ang agresibong maniobra ng mga barko ng China gaya ng paggamit nito ng water cannon.
Ito ang inihayag ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya.
Isa aniya ito sa maaaring gawin sa ilang pagbabago sa resupply mission ng bansa sa pinag-aagawang karagatan.
Aniya, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang adjustments kasunod ng panibagong resupply mission sa Ayungin shoal kung saan binombahan ng water cannon ang barko ng PH.
Sinabi din ng NSC official na inaasahan nitong patuloy ang pag-intimidate at paggamit ng scare tactics ng China laban sa PH kaya’t ipinunto ng opisyal na hindi matitinag ang bansa at ipagpapatuloy pa rin nito kung ano ang kailangan para manatii ang pagsusuplay sa mga tropa ng bansa sa ayungin.
Matatandaan na isinagawa na rin ng AFP Western Command ang matagumpay na airdrop mission sa Ayungin shoal noong Enero ng kasalukuyang taon.
Ginawa ang paradrop kapalit ng karaniwang naval resupply mission matapos na magtamo ng pinsala ang resupply boat ng PH matapos ang water cannon assault ng China Coast Guard.
Sa kasagsagan naman ng sea patrol sa WPS ng PH kasama ang France at US, nagsagawa ang air force ng bansa ng airdrop exercise para sanayin ang isang hakbang para maiwasan ang pagtatangkang pagharang ng barko ng China sa resupply mission ng PH.
Dalawang beses na isinagawa ang airdrop drills gamit ang Philippine Air Force light transport aircraft NC-212i sa military outpost sa Patag island noong April 27 bilang parte ng nagpapatuloy na Balikatan exercise.