-- Advertisements --

Nagsagawa ang Office of the Civil Defense at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng aerial survey sa bulkang Kanlaon ngayong araw ng Huwebes, Disyembre 12.

Sa isang statement, sinabi ng Philippine Air Force (PAF) na nagtagal ang naturang survey ng halos isang oras.

Ginamit sa aerial survey ang 2 S70i Black Hawk helicopters para sa pagkalap ng datos kaugnay sa posibleng mga panganib matapos ang pagsabog ng bulkang Kanlaon. Sinimulan ang naturang flight mission kaninang alas-8:29 ng umaga.

Ginamit din ang nasabing mga helicopter para sa pagdadala ng relief goods na nakalaan para sa mga apektadong komunidad.

Kasama sa nagsagawa ng aerial survey sina PHIVOLCS director Teresito Bacolcol, OCD Western Visayas chief Raul Fernandez, OCD Central Visayas director Joel Erestain, at iba pang opisyal ng PAF.

Gumamit ang inter-agency team ng aerial platforms para makakuha ng komprehensibong overview sa sitwasyon at matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang atensiyon.

Sinabi naman ng PAF na nananatiling committed ito sa pagsuporta sa disaster response at relief efforts sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang aerial capabilities.