KALIBO, Aklan—Nananawagan ngayon ng tulong ang nasa 44 na miyembro ng Aeta community na may kaniya-kaniyang pamilya sa isla ng Boracay na namemeligrong mabawian ng Certificate of Land Ownership.
Una rito, kinatigan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang resolution of protest ng claimant ng lupa na ipinagkaloob taon 2018 sa kasagsagan ng Boracay rehabilitation na mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpasakamay sa kanila ng karapatang okupahan ang lupa na makikita sa Sitio Angol, Barangay Manocmanoc sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng nasabing ahensya.
Inayawan umano ng Boracay Ati Tribal Organization ang unang alok sa kanila ngunit mismong pamahalaan na ang lumapit sa mga ito kung kaya’t bukal sa kalooban na tinanggap ang nasabing lupa.
Paliwanag ni Atty. Daniel Dinopol, legal counsel ng Aeta community na ang nasabing lupa ay na-classify bilang alienable and disposable land na hindi suitable sa rice at corn farming pero napapakinabangan ng mga Aeta na taniman ng iba’t ibang root crops, gulay at mga punong kahoy kung saan, ang kanilang produkto ay inilalako sa mga hotels and resorts sa isla.
Dagdag pa ni Atty. Dinopol na ang nasabing protesta ng land developer ay paunang hakbang para sa nais na kanselasyon ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Sa oras aniya na umusad ang proseso at hindi nila ito malabanan ay may posibilidad na malagay sa alanganin ang tirahan ng mga Aeta.
Sa kasalukuyan aniya ay nakapaghain na sila ng motion for reconsideration upang matiyak na hindi mabawi ang lupang pagmamay-ari na ngayon ng mga Aeta sa Boracay.