LAOAG CITY – Tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas ang tanging hiling ni Mr. Maroof Malekyar, isang Afghan national na nakatira sa Kabul, Afghanistan.
Sa eksklusibong panayaman ng Bombo Radyo Laoag kay Malekyar, ipinalaam nito ang kanilang kasalukuyang sitwasyon sa Afghanistan matapos tuluyang sakupin ng mga Taliban ang nasabing lugar.
Sinabi ni Malekyar na simula nang okupahan ng mga Taliban ang Afghanistan, hindi na sila pinayagang magtrabaho.
Aniya, maraming Afghans ang araw-araw na lumalaban sa gutom dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.
Kaugnay nito, ipinaalam ni Malekyar na mahirap para sa kanya at sa iba pang mga Afghans na umalis sa nasabing bansa dahil sa kawalan ng passport at iba pang dokumento na kailangan para makaalis.
Dagdag niya na lubos ang pangamba na kinakaharap nila dahil sa posibilidad na pwede silang mapatay ng mga Taliban.
Una rito, ani Malekyar na plano nilang magtungo sa bansang Pakistan at kung pumayag ang Pilipinas na magpapasok ng mga Afghans ay nakahanda itong magkaroon ng bagong buhay dito sa bansa.
Dagdag nito na kung mabigyan sila ng pagkakataon na makasapasok sa Pilipinas ay tatanawin niya itong malaking utang na loob.