MAZAR-I-SHARIF, Afghanistan – Nakaligtas mula sa panibago na namang assasination attempt ang bise-presidente ng bansang Afghanistan na si Abdul Rashid Dostum nitong Sabado.
Ayon kay Bashir Ahmad Tayenj, spokesman ng Junbish Party, tinambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ni Dostum habang nasa biyahe ito patungong Jawzjan province mula sa lungsod ng Mazar-i-Sharif sa Balkh province.
Sa kabila ng pagkakaligtas ni Dostum, napatay naman ang isa sa kanyang mga bodyguard, habang dalawang iba pa ang sugatan.
Dagdag ng tagapagsalita, batid umano ni Dostum ang planadong pagsalakay ngunit napagpasyahan pa rin nitong ituloy ang kanyang biyahe.
Inako naman ng grupong Taliban ang responsibilidad sa nasabing aksyon.
Walong buwan na ang nakalipas nang nakaligtas din si Dostum sa nangyaring suicide bombing sa Kabul airport.
Ang nasabing pamomomba, na nag-iwan ng apat na patay at anim na sugatan, ay inako naman ng grupong Islamic State. (Reuters)