-- Advertisements --

Nakaalis na ng Pilipinas ang Afghan nationals na dumating sa bansa noong Enero 6.

Sa isang statement, kinumpirma ni US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay na mababa sa 200 Afghan nationals lamang ang dumating sa bansa na nag-antay para sa pinal na pag-proseso ng kanilang aplikasyon para sa US Special Immigrant Visa (SIV) sa US Embassy sa Maynila.

Umalis ang mga ito sa bansa patungong Amerika lulan ng commercial flights noong Enero 15 at 17.

Ipinaabot naman ng US Embassy official ang lubos na pasasalamat ng Amerika sa gobyerno ng Pilipinas para sa kooperasyon at suporta nito sa kanilang pagsisikap na matulungan ang Afghan Special immigrants.

Ang naturang Afghan nationals ay nagtrabaho para sa gobyerno ng Amerika doon sa Afghanistan na nagbigay ng tapat at di matatawarang serbisyo at nalagay sa nagpapatuloy na seryosong banta dahil sa kanilang trabaho.

Mula kasi noong 2021 hanggang sa kasalukuyan, ang Afghanistan ay nasa ilalim ng kontrol ng Taliban na hindi pa rin kinikilala ng ibang mga bansa dahil sa mga paglabag nito sa mga karapatang pantao.