Pinangunahan ngayong araw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Phil. Navy fleet review sa karagatan ng Morong, Bataan, kung saan itinampok ang mga bagong gamit pandigma ng militar, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-85 anibersaryo ng AFP.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Navy Captain Jonathan Zata, nasa 63 air at naval assets ang makikilahok sa fleet review.
Nanguna sa pagsasagawa ng passing exercise ang pinakabagong frigate ng Philippine Navy ang BRP Jose Rizal, kasama ang Ramon Alcaraz, at BRP Emilio Jacinto.
Sinundan ito ng BRP Davao Del Sur, BRP Batak, BRP Abraham Campo, at BRP Ang Pangulo.
Nakasakay naman sa BRP Batak, na isang Navy landing craft ang Simba armored personnel carrier ng Philippine Army at V-150 tank ng Philippine Marine Corps.
Nasa 36 na sasakyang panghimpapawid ng Air Force at Navy ang magsasagawa ng flyby na katatampukan ng tatlong FA-50, dalawang AW159 at tatlong AW109 Augusta helicopters, at dalawang Black Hawk helicopters.
Habang ang BRP Tarlac, ang pinakamalaking barko ng Navy ang magsisilbi namang plataporma kung saan sasaksihan ng mga major service commanders at senior defense and military officials ang ehersisyo.