Sanib-puwersang iniimbestigahan ngayon ng Armed Forces of the Philippines at Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang umano’y illegal online recruitment sa mga sundalong Pilipino ng Chinese firms.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, patuloy ang kanilang ginagawang mga pagsisiyasat ngayon upang alamin kung sino ang nasa likod nito at gayundin pag-iimbestiga sa iba pang mga kahalintulad na kumpanya ng gumagawa ng kaparehong aktibidad.
Aniya, bagama’t may nakalap na impormasyon ang Hukbong Sandatahan ukol dito tulad ng mga screenshot ng mga comment na sumubok mag-apply online ay hindi pa rin nila matukoy kung may mga miyembro ba ng kasundaluhan ang mga ito o kung may mga lehitimo at aktibong sundalo ang na-recruit nito.
Samantala, sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang paalala ng AFP sa lahat ng kanilang mga tauhan na maging maingat at manatiling propesyunal upang hindi mabiktima ng ganitong uri ng mga modus.