Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tulong na kanilang ipagkakaloob sa Department of Health (DOH) sa COVID 19 pandemic response.
Ayon kay AFP Surgeon General Col. Fatima Navarro, papasok ang AFP sa isang kasunduan sa DOH tungkol sa pagpapadala nila ng mga military medical personnel sa mga ospital.
Ito’y matapos ipag utos noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa AFP at PNP na tumulong sa mga health workers sa gitna ng pagkakasakit ng marami sa mga ito.
Napakaloob sa kasunduan, ang bilang ng military doctors, nurses, at nursing aides na ipadadala sa mga ospital at kung gaano katagal ang kanilang deployment.
Una nang sinabi ng AFP na limang medical teams sa Metro Manila ang kanilang ipakakalat para makatulong sa pagtugon sa pagtaas ng kaso ng Covid 19.
Bukod pa ito sa mga kasalukuyang nakadeploy na medical frontliners ng AFP sa mega swabbing at quarantine facilities sa Metro Manila.