-- Advertisements --

KORONADALCITY – Mahigpit na seguridad ang ipinapatupad ngayong araw ng Armed Forces of the Philipines at Philippine National Police kasabay ng pagbisita ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa lalawigan ng South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Police Col. Cydric Earl Tamayo, provincial director ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Sa katunayan, ayon kay Tamayo, bago pa man ang aktibidad ay dumating na ang advance party ng Presidential Security Group (PSG) upang masi-secure ang lugar na pupuntahan ng pangulo.

Ayon kay Tamayo, bago pa man ang pagbisita ng pangulo sa probinsiya ay nakadeploy na rin ang mga sundalo at pulisya upang masiguro ang kaligtasan ng pangulo at mga kasama nitong dadalo sa isasagawang programa sa bayan ng Surallah at Banga, South Cotabato at dito sa lungsod ng Koronadal.

Napag-alaman na pangungunahan ngayong umaga ng pangulo ang paglunsad ng Consolidated Rice Production and Mechanization Program sa Surallah na naglalayong mapataas ang produksyon at mapalakas ang marketing system ng palay.

Sa ilalim ng programang ito ay target na matamnan ng palay ang higit sa 1,000 ektaryang lupain kung saan magiging pilot area nito ang 200 ektaryang palayan sa Barangay Dajay.

Maliban dito,dadaluhan din ng pangulo ang paglunsad ng Rice Farming Mechanization Program Processing Center sa Barangay Liwanay, Banga kung saan itatayo ang rice mill para sa consolidated rice farming.

Una rito, naglabas na rin ng Executive Order no. 39 si Koronadal City Mayor Eliordo Ogena kaugnay sa pansamantalang pagsasara ng ilang mga daan sa lungsod sa pagbisita ng pangulo simula alas-6 kaninang umaga hanggang alas-2 mamayang hapon.