-- Advertisements --

Kampante umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kabilang sa napatay na rin ang Malaysian terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad kasunod nang madugong operasyon sa nakalipas na magdamag sa Marawi City.

Sinabi ngayon ni AFP spokesman Major Gen. Restituto Padilla, mataas ang kumpiyansa ng mga ground troops ng pamahalaan na kabilang si Ahmad sa 13 pang miyembro ng Maute terror na napatay ng operating units.

Ang naturang developments ay lumutang, tatlong araw makaraang mapatay ng AFP ang itinuturing na kilabot na mga lider na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Ayon kay Padilla, kahapon umano ay nagsimulang magsagawa muli ng operasyon ang militar at naging kapalit sa matinding bakbakan kung saan anim din ang sugatan sa kanilang panig.

Nagawa namang ma-rescue ng mga sundalo ang mag-ina na ginawang hostage ng mga terorista.

Ang nailigtas na anak ay sugatan daw pero hindi naman grabe.

Sa ngayon ayon sa heneral, hindi pa makumpirma na 100 porsyento nga na si Ahmad na ang napatay habang hindi pa narerekober ang bangkay na umano’y mukhang dayuhan at kahawig nito.

Pero kampante naman ang ground troops na maaari nang sabihin na 99.9 percent na umano na si Dr. Ahmad nga ang napatay.

“Pero tumaas po ang porsyento at nagiging kampante po kami, increasingly confident na ito na nga po ‘yon,” ani Gen. Padilla sa isang panayam.

Si Dr. Mahmud ay sinasabing financier at may direktang link o koneksyon sa ISIS international terror group.

Ito ay kabilang daw sa walo pang foreign terrorist na natirang lumalaban  sa tropa ng pamahalaan sa Marawi.

Batay sa ilang lumabas na record si Mahmud ay isang Malaysian professor ng Islamic law.

Noong 1990 nagtungo ito ng Pakistan at nakapag-aral hanggang sa makapagtapos umano ng dalawang bachelor degrees sa International Islamic University, Islamabad.

Meron din daw itong masters degree sa International Islamic University Malaysia at doctoral degree mula sa University of Malaya.

Naging senior lecturer ito sa Department of Aqidah at Islamic Thought sa Academy of Islamic Studies sa University of Malaya.

Noon namang huling bahagi ng 1990, nagsanay din daw ito sa Al-Qaeda training camp sa Afghanistan.

Mula nang bumiyahe ito patungo umano ng Pilipinas noong kalagitnaan ng taong 2014 ay inilagay na ito ng Malaysia sa kanilang most wanted list.