Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagbuo ng bagong military division na permanenteng itatalaga sa probinsiya ng Sulu.
Sa panayam kay Lorenzana kaniyang sinabi na ang nasabing hakbang ay batay sa kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte para magkaroon ng permanenteng tropa sa nasabing lugar.
Dahil dito kinakailangan ng militar na magrecruit pa ng mga sundalo na bubuo sa bagong military division.
“We are going to create another division, we will have permanent presence in Sulu and eliminate once and for all itong Abu Sayyaf,” wika ni Lorenzana.
Sa ngayon, pina-finalize na ng AFP ang mga detalye kaugnay sa pagbuo ng isang bagong division.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig Gen Edgard Arevalo, kinakailangan pa nilang plantsahin ang ilang mga detalye bago maisapinal ang pagtalaga ng isang military division sa Sulu.
Aniya, kailangan muna itong aprubahan nina AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez at Defense Secretary Delfin Lorenzana bago ibigay kay Pang. Rodrigo Duterte para sa kaniyang final approval.
Sa ngayon may dalawang military brigade ang naka station sa Sulu sa ilalim ng Joint Task Force.
Sinabi ni Arevalo na mahalaga ang pagkakaroon ng permanenteng military division sa Sulu ng sa gayon lalo pang mapabilis at mapadali ang kanilang ilulunsad na operasyon laban sa teroristang Abu Sayyaf.