-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa dis-advantage position ang mga sundalong Marines na nakipaglaban sa mga teroristang Maute sa Marawi City.

Umalma naman ang militar sa paratang na ipinain sa kamatayan ang mga sundalong Marines.

Sa ngayon pumalo na sa 58 sundalo ang nasawi sa nagpapatuloy na labanan sa Marawi habang higit 200 ang sugatan.

Nagdadalamhati ngayon ang buong AFP dahil sa pagkamatay ng kanilang mga kasamahan.

Ayon kay AFP chief of Staff General Eduardo Ano, ang labanan ngayon sa Marawi ay isang hybrid war na kumbinasyon ng conventional at unconventional operations kaya inaasahan ng militar na magkakaroon talaga ng casualties sa hanay ng government forces.

Sa panig naman ng mga sundalong Marines, closed quarter
battle ang kanilang labanan kaya may posibilidad talaga na tamaan ang mga ito ng sniper fires.

Pagbibigay-diin ni Ano na ayaw na niya na may malalagas pang buhay mula sa kanilang mga sundalo kung kayat lahat ng suporta ay ibinibigay ngayon ng AFP kay BGen. Joselito Bautista na siyang overall ground commander sa nagpapatuloy na operasyon sa Marawi.

Nais ni chief of staff na magkaroon ng deliberate planning sa mga susunod na galaw ng militar laban sa teroristang Maute.