Kinumpirma ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nakatanggap siya ng report mula sa mga ground commanders sa Marawi na ang isinagawang operasyon laban sa Daesh-Maute stronghold ay nagresulta sa pagkamatay ng terrorist leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Ayon kay Lorenzana, narekober ng mga operating units ang bangkay ng dalawa at isinailalim na sa forensic examination.
Bukod dito, na-rescue rin ng militar ang 17 pang bihag na ngayon ay nasa kustodiya na ng militar.
Pagtiyak ng kalihim, kanilang iaanunsiyo na tapos na ang giyera sa Marawi kapag natiyak na rin ng mga tropa na wala ng natitirang terorista at cleared na ang Marawi sa mga improvised explosive device.
Aniya, kapag tapos na ang labanan tututukan na ang rebuilding and rehabilitation sa Marawi.
Samantala, nauna nang magtungo sa Marawi si Armed Forces fo the Philippines (AFP) chief Gen. Eduardo Año at humabol naman bago mag-tanghali si Lorenzana.
Kung maaalala, nilusob ng grupo ni Hapilon at ng Maute brothers ang Marawi noong May 23 para mag-establish ng Islamic State caliphate ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Southeast Asia.
Napaulat din noong buwan ng Agosto na patay na si Abdullah Maute pero walang narekober na cadaver ang militar bilang patunay.
Ang alyansa ng nasabing grupo ay binubuo ng Maute, Abu Sayyaf, at ilang mga banyagang terorista na mula sa Malaysia, Indonesia, Singapore, at Middle East states.
Simula noong buwan ng Mayo, nakapagtala ang AFP ng 813 rebelde patay, 47 civilians at 162 mula sa hanay ng mga sundalo.
Si Isnilon ay isang kilalang Basilan based Abu Sayayf Group leader na nakipag-alyansa sa ISIS.