Kapwa muling nagpahayag ng kanilang katapatan sa bayan at sa punong ehekutibo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., at Philippine National Police chief PGen. Benjamin Acorda Jr.
Kasunod ito ng muling pag-usbong ng mga ugong-ugong na mayroon nanamang namumuong destabilisasyon umano laban sa pamahalaan.
Ito ay makaraang maglabas ng video si retired BGen. Johnny Macanas Sr. kung saan niya ipinahayag ang kaniyang opinyon na posibleng kabilang sina AFP chief Brawner at PNP chief Acorda sa mga kumakausap umano sa pangulo para kumbinsihin itong bumaba sa puwesto.
Sa naturang video, ay binanggit din ni Macanas ang umano’y pagkakasangkot ng ilegal na droga sa mga dahilan na posible aniyang magmitsa ng pag-aaklas laban sa pamahalaan.
Kaugnay nito ay agad na naglabas ng statement si AFP chief of staff Gen. Brawner na nagbibigay-diin sa hindi matatawarang katapatan ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa konstitusyon at maging sa commitment nito sa kanilang sinumpaang mandato bilang mga tagapagtanggol sa soberanya at demokratikong prinsipyo ng ating bansa.
Habang sa panig naman ng Pambansang Pulisya ay sinabi ni PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo na anuman ang mangyari ay maanatiling apolitical, intact, solido, at propesyunal ang buong hanay ng Philippine National Police kasabay ng kaniyang hiling na huwag nang idamay pa ang kanilang hanay sa ganitong uri ng mga usapin.
Kung maaalala, una nang muling binigynag-diin ni afp spokesperson col. medel aguilar na walang nagaganap na anumang destablisasyon laban sa pamahalaan.
Kasabay nito ay iginiit din niya na bagamat iginagalang ng liderato ng AFP ang mga ipinapahayag na saloobin ng ilang mga retiradong opisyal nito ay hindi pa rin ito sumasalamin sa kanilang buong organisasyon sapagkat hindi na sila konektado at nasasaklaw pa sa military justice system.
Patuloy naman ang panagawan ngayon sa publiko ng mga kinauukulan na huwag agad agad maniniwala sa ganitong uri ng mga maling impormasyon na nilalayon lamang na sirain ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng ating bayan.