Nakatakdang magpulong sa susunod na lingo sina AFP Chief Gen. Romeo Brawner at US Indo-Pacific Commander Adm. Samuel Paparo.
Ito ay sa ilalim ng annual Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB).
Ang pulong ng dalawa ay nakatakdang ganapin sa Baguio City kung saan nakatakdang pag-usapan ng mga ito ang mga mutual concern, at at mga susunod na joint activities.
Magsisilbing venue ang naturang pagpupulong upang matalakay ang mga policy directions na susundin ng dalawang bansa pagdating sa defense at security issues.
Tatalakayin na rin dito ang mga nakahanay na aktibidad sa pagitan ng dalawang bansa para sa calendar year 2025 na inaasahan ding aaprobahan kinalaunan; kinabibilangan ito ng mga military exercises.
Noong nakalipas na taon, inaprubahan ng dalawa ang mahigit 500 activities para sa 2024. Ito ay mas mataas kumpara sa dating 496 activities na itinakda noong 2023.
Kabilang sa mga malalaking aktibidad na isinagawa ng US at Pilipinas ngayong taon ay ang mga joint military, maritime, at naval exercises kabilang na ang taunang Balikatan kung saan ilang mga bansa rin ang nagsilbing mga observer.