Naghahanda na ngayon ang Armed Forces of the Philippines para sa posibilidad ng spillover ng nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong hamas.
Ito ay kasunod na rin ng isinagawang pagtatawag ng international jihad ng militanteng grupong hamas sa iba’t ibang bansa sa buong mundo upang manawagang makiisa sa kanilang kilusan.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., mahigpit ang kanilang isinagawang pagbabantay hinggil sa mga posibilidad ng spillover ng mas umiigting na digmaan sa israel.
Kaugnay nito ay inalerto na rin niya ang lahat ng mga commander sa iba’t ibang panig ng bansa kasabay ng pagtiyak na nananatiling vigilante ang buong hanay ng afp katuwang na rin ang philippine national police.
Samantala, nilinaw naman ni brawner na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa namang namomonitor ang afp na anumang paggalaw ng mga teroristang grupo sa ating bansa.
Kaugnay nito ay inanunsyo rin niya na wala nang nananatiling foreign terrorists sa ating bansa kasabay ng pagpawi sa pangamba ng ilan sa posibilidad ng pag-usbong ng world war 3 nang dahil na rin sa kaliwa’t kanang mga nangyayaring kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Patuloy naman ang panawagan ni brawner sa mga indibidwal o grupo na nagbabalak pang makiisa sa naturang panawagan na hamas na huwag na itong ituloy pa.