-- Advertisements --

Inihayag ni Armed Forces of the Philippines, Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na personal nitong nasaksihan at naranasan ang pinakahuling panghaharass ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ay sa kasagsagan ng kaniyang personal na pagbisita sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal para personal na kamustahin at alamin ang sitwasyon ng mga tropa ng militar na nakabase sa nasabing lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay AFP Chief Brawner, ibinahagi niya na kasama sila ni AFP Western Command, Commander Vice Admiral Alberto Carlos sa mga lulan ng resupply boat na Unaizah Mae 1 nang mangyari ang pangbobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa kanila para sa tangkang pigilan ang rotation and resupply mission ng mga tropa sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Brawner, sa unang gabi pa lamang ng kanilang paglalayag ay nagkapalitan na ng radio challenge ang mga barko ng Pilipinas at China.

Bukod dito ay binuntutan din aniya sila ng China na tumagal ng hanggang 24 oras na kalaunan ay nauwi na sa panggigitgit sa kanilang barko.

Aniya, nakakagalit ang mga ilegal na gawain na ito ng China habang nasaksihan niya mismo ang kalunus-lunos na kalagayan ng tropa ng ating mga kasundaluhan na kadalasang nakakaranas ng mga panghaharass na ito ng China sa tuwing nagkakasa ang mga ito ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Giit ng heneral, isang lehitimong operasyon ang ginagawa ng Pilipinas sa naturang lugar dahilan kung bakit wala aniyang karapatan ang China na harangin ang ating mga barko sa pagsasagawa nito ng misyon sa West Philippine Sea na malinaw na nasasakupan ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Samantala, sa kabila nito ay sinabi rin ni Brawner na nananatiling masaya at high morale ang tropa ng mga militar na sakay ng Unaizah Mae 1 at maging ang kasundaluhang nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Kasabay nito ay kaniya ring ipinaabot sa mga tropa ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaalinsabay ng pagbibigay-diin sa importansya ng presensya ng mga ito sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na sumisimbolo sa sovereign rights ng Pilipinas sa EEZ ng ating bansa, bagay na napakalaki aniyang kontribusyon sa ating bayan.

Si Gen. Brawner ang kauna-unahang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na personal na nagtungo at bumisita sa mga tropa ng militar sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal, at siya rin ang kauna-unahanga chief of staff ng AFP na personal na nakaranas ng mga panghaharass na ito ng China sa mga barko ng ating bansa.

Kung maaalala, ang resupply boat ng Pilipinas na Unaizah Mae 1 ang nakalusot sa tangkang pagpigil ng China sa rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre, matapos na masiraan ng makina ang supply vessel na M/L Kalayaan bunsod pa rin ng pangbobomba ng tubig ng CCG na dahilan naman para mapilitan ang BRP Sandingan ng PCG na hatakin ito pabalik sa Ulugan Bay sa Palawan.

Dahil dito ay mariing kinondena hindi lamang ng NTF-WPS kundi maging ng iba’t-ibang mga bansa ang panibagong pangbubully na ito ng China sa Pilipinas kasabay ng pagbibigay-diin sa karapatan ng ating bansa sa Ayungin Shoal na nasasakupan ng ating teritoryo alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral award.

Sa ngayon ay sinabi ni Brawner na kasalukuyan pang tinatalakay ng mga kinuukulan ang mga susunod na hakbang ng Pilipinas laban sa panibagong panghaharass na ito ng China sa ating bansa.