Hindi pabor si AFP chief of staff Lt Gen. Noel Clement na suspendihin pansamantala ang recruitment sa Philippine Military Academy (PMA).
Ito ay kasunod sa panawagan ng isang mambabatas na suspindihin ang recruitment sa akademya dahil sa mga isyu ng hazing o pagmamaltrato.
Sa panayam kay Clement sinabi nito na malaki ang epekto sa profile ng AFP lalo na sa mga batang officers.
Ang PMA kasi ang nagpo-produce ng pinakalamaking bulto ng mga junior officers na ide-deploy sa field.
Paliwanag ni Clement kapag itinigil ang recruitment malaki ang epekto nito sa kanilang future projections at maging ang replacement sa mga nag-retire na officers sa serbisyo kasama ang mga battle casualties.
Giit pa ng chief of staff, ang panawagan na itigil ang recruitment sa PMA ay isang “drastic action” at nangangailangan ito ng masusing pag-aaral at dapat lahat ng measures ay ikonsidera bago ito ipatupad.
Aminado si Clement na dahil sa nagsisilabasang isyu ng hazing o pagmamaltrato ay apektado na ang PMA.
Aniya, may ginagawa nang hakbang ang akademiya para matigil na ang pagmamaltrato.
Iniimbestigahan na rin ng PMA ang mga naitalang kaso ng hazing at pinatawan na ng parusa ang mga sangkot.
Ipinag-utos na rin ni Clement kay PMA superintendent Rear Admiral Ferdinand Cusi na ikonsidera ang pagbuo ng third party na posibleng manggaling sa academe at mga dating graduates ng PMA para bumuo ng mga programa at rekomendasyon para tugunan ang isyu ng maltreatment.
Sinabi ni Clement, hindi perpekto ang PMA pero gayunpaman marami na ang nagbago at hindi tino-tolerate ang hazing sa loob ng akademya.
“PMA is not a perfect organization and we have to be dynamic about how we implement programs to be able to produce good future leaders without having to undergo maltreatment or other wrong practices in the academy,” pahayag pa ni Lt. Gen. Clement.