Aminado si AFP chief of staff General Eduardo Año na siya ay nabigla sa sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay itatalaga bilang kalihim ng Department of interior and Local Government (DILG).
Sa panayam kay Gen. Año kaniyang sinabi na nasurpresa siya sa pahayag ng pangulo dahil napaka aga pa dahil sa buwan pa ng Oktubre siya ay magreretiro sa serbisyo.
Aniya, nakahanda naman siya sa anumang trabaho lalo na kung ang pangulo ng bansa ang nagbigay sa kaniya ng pwesto.
Siniguro ng heneral na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya sa bago niyang trabaho.
Banggit din ng heneral na may narinig siyang usap usapan na isa nga siya sa pinagpipilian bilang kalihim ng DILG kapag siya ay nagretiro sa serbisyo pero hindi niya inaasahan kanina na ianunsiyo ito ng Pangulong Duterte.
Giit ni Año na hindi pa niya masabi kung kailan siya mag assume sa pwesto dahil nakadepende ito kay Pangulong Rodrigo Duterte aniya ang tanging gagawin niya sa ngayon ay maghanda.
Pagtiyak nito na nakatutok pa rin siya sa kaniyang trabaho bilang chief of staff ng AFP ngayon.
Sa kabilang dako, inihayag ni Año na sakaling matuloy siya bilang kalihim ng DILG isa sa mga thrust nito lalo na sa pagresolba sa mga isyu sa pamamagitan ng whole of government approach at whole of nation initiative lalo na sa isyu ng internal security.