Opisyal ng tinanggap ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana ang kanyang pang-apat na star rank insignia (estrella) sa isinagawang Donning of Rank Ceremony sa Department of National Defense (DND) Building sa Camp Aguinaldo.
Si Defense Undersecretary Cesar Yano ang kumatawan bilang presiding officer kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na kasalukuyan pa ring naka-quarantine.
Ang promosyon ni Gen. Sobejana bilang 4-star general ay nilagdaan ng Pangulong Duterte noong Abril 8, matapos na makumpirma ng Commission on Appointments noong Marso 24.
Sinabi ni Sobejana na bagamat testamento ng “achievements” ang ranggo ng isang opisyal, hindi dapat ipinapangalandakan ang posisyon at mas nararapat na maging mapagkumbaba at maging masigasig at maingat sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Samantala, tatlong koronel naman ang tumanggap ng kanilang unang star rank (estrella) kahapon din sa AFP General Headquarters.
Ito ay sina: Colonel Joel Alejandro Nacnac, AFP Human Rights Office chief; Colonel Edgardo Palma, Office of the Special Studies and Strategy Management chief; at Colonel Erick Escarcha, AFP Command Center chief, na ngayon ay mga brigadier general na.
Malaking hamon naman sa liderato ni Sobejana ang isyu sa West Philippines Sea kung saan patuloy na nagiging agresibo ang China.