-- Advertisements --

Nakikiisa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa buong mundo ngayong panahon ng kuwaresma at sa paggunita ng dakila at dalisay na pagmamamahal ng Panginoong Hesukristo na siyang nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Hiling ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana ang taimtim at makabuluhang pagdiriwang ng Semana Santa sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng bawat tao at ng buong bansa.

AFP chief of staff Cirilito Sobejana 1

Aniya, hindi dapat susuko bagkus paiigtingin pa ang panalangin at pananampalataya sa Diyos dahil malalagpasan at matatapos din ang unos at makakamtan ng bawat isa ang pangako ng Panginoon na walang hanggang kasaganahan, kaluwalhatian at kaligayahan.

Ayon kay Gen. Sobejana, ngayong Holy Week ang pag-alaala sa lahat ng paghihirap at sakripisyo ng Panginoong Hesus ay magsilbi sanang inspirasyon sa lahat at sundin ang mabuting ehemplo at patuloy na mabuhay hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapwa rin.

Binigyang-diin ni chief of staff na kaisa ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa walang patid na pagpapalaganap ng kabutihan at kapayapaan.

Panalangin din ng heneral na tuluyan ng maghilom ang lahat ng uri ng sugat at sakit na iniinda ng ating bansa at ng buong mundo.

Sa kabilang dako, dasal naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maging matatag ang lahat, palakasin ang pananampalataya sa Diyos lalo na at nahaharap pa rin sa health crisis ang bansa.