-- Advertisements --

Hinikayat ni Armed Forces of the Philippines(AFP) Chief of Staff Romeo Brawner Jr. ang mga sundalo sa buong bansa na maging handa sa lahat ng pagkakataon, dahil sa umano’y pagpasok ng makabagong giyera sa bansa.

Paliwanag ni Brawner, hindi giyera tulad ng nangyayari sa pagitan ng Israel at Hamas o ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ang dapat lang paghandaan ng bansa kung di maging sa iba pang porma.

Kabilang dito aniya ang cyber-warfare, political warfare, cognitive warfare, atbpang kahalintulad na banta na panguhing dala o ginagawa ng komunistang China.

Kailangan aniyang maging ‘aware’ ang bawat sundalo sa umano’y ‘united front works’ sa Pilipinas tulad ng pagpapadala ng mga espiya sa Pilipinas at pagpasok sa mga mahahalagang institusyon sa bansa.

Kinabibilangan ito ng pagpasok sa mga learning institution, negosyo, simbahan, at maging ang militar.

Apela ng AFP Chief sa mga sundalo, kailangang magbantay ang mga ito sa kahalintulad na banta, at maging alerto sa pagkilatis, pagtukoy, at pagtugon sa mga naturang banta.

Maalalang ilang Chinese national na ang inaresto sa Pilipinas na itinuturo bilang mga Chinese spy kung saan ilan sa kanila ay nagawa pa umanong pumasok sa ilang mahahalagang military facilities ng bansa.

Tiniyak naman ni Gen. Brawner ang tuloy-tuloy na pagsasa-moderno sa mga kagamitan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang makasabay sa mga makabagong giyera o bantang kinakaharap ng bansa.