May nakalatag na mga hakbang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para tugnan ang anti-trespassing policy ng China sa West Philippine Sea, kung saan simula ngayong araw June 15, 2024 ipatutupa na umano ng China ang nasabing polisiya.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, may mga preparasyon silang ginawa kasama ang ibat-ibang concerned agencies gaya ng Phil. Coast Guard, PNP, BFAR at iba pang mga ahensiya upang tapatan ang detention policy ng Beijing sa pinag-aagawang teritoryo.
Inaangkin kasi ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang 10-dash line.
Aminado si Brawner na sila ay nababahala hinggil sa nasabing usapin subalit kaniyang binigyang-diin na hindi tayo dapat matakot dahil ang nasabing lugar ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ibig sabihin walang jurisdiction dito ang China.
Sinabi ni Brawner nagsanib pwersa ang mga nasa uniformed sector kasama ang mga mangingisda para tugunan ang nasabing problema.
Hinikayat naman ni Brawner ang mga mangingisda na ipagpatuloy lamang ang kanilang normal na routine sa loob ng exclusive economic zone dahil nakaalalay sila para protektahan ang mga Pilipinong mangingisda.
Samantala, inihayag ni Brawner na hindi magpapatinag ang AFP sa polisiya ng China, kaya patuloy ang kanilang maritime patrol sa lugar.
Sinabi ni Brawner patuloy ang kanilang resupply mission at rotation of troops sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Brawner maraming paraan para maihatid ang mga supply sa mga sundalo na naka station sa BRP Sierra Madre.
Gayunpaman tumanggi si Brawner banggitin ang mga detalye ukol dito.
Siniguro ng AFP leader na hindi sila titigil sa pagsagawa ng resupply mission at pag rotate sa kanilang mga tauhan sa lahat ng mga features na inoccupy ng Pilipinas sa West Phil Sea.