-- Advertisements --
PMA ARCH BAGUIO
The Philippine Military Academy (PMA) in Baguio City (photo from gobaguio.com)

BAGUIO CITY – Humingi nang tawad si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lt. Gen. Noel Clement sa pamilya ng nasawing si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Maalalang namatay si Cadet Dormitorio dahil sa mga injuries na natamo nito dahil sa ilang beses na pagmaltrato sa kanya ng kanyang mga upperclassmen.

Sa isinagawang change of command ceremony para sa bagong superintendent at commandant of cadets ng Philippine Military Academy, sinabi ni Clement na kulang ang salita para ihayag ang kanilang “most profound apologies” sa pamilya Dormitorio.

Aniya, kasama ang pamilya ng kadete sa kanilang mga panalangin at tanging hiling nila ay ang pag-unawa ng nasabing pamilya.

Sinabi pa niya na natanggap na niya mula kay Inspector General Antonio Ramon Lim ang report ukol sa kaso ni Cadet Dormitorio.

Aniya, hindi inilahad ni Inspector General Lim ang specifics sa culpability ng mga suspek na kadete ngunit tumutok daw ito sa mga systems ng PMA na dapat maitama.

Hiniling din aniya sa Inspector General ang pag-aaral sa proseso at mga systems na kailangang mapag-aralan para maitama ang nangyari kay Cadet Dormitorio.

Inihayag din niya ang kanyang tiwala na sa ilalim ng bagong liderato ng akademya ay wala ng mangyayaring kaso ng pagmaltrato sa mga kadete o plebo at mapagtatagumpayan ang idineklarang “war on hazing” ng bagong corps commandant.

Samantala, pormal nang uupo bilang PMA superintendent si Rear Admiral Allan Cusi habang pormal ding uupo bilang Commandant of Cadets si Brig. Gen. Romeo Brawner Jr.