Muling nanindigan si AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay na hindi nila irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng “holiday truce” sa CPP NPA maging ang resumption ng peace talks.
Sinabi ni Gapay, hindi nila hahayaan na makapag take-advantage muli ang komunistang grupo lalo na at ginagamit ng mga ito ang tigil putukan at peace talks para sila ay makapagpalakas ng kanilang pwersa at mag-recruit ng mga bagong miyembro.
Binigyang diin ni chief of staff na kanila na rin napatunayan na hindi sinsero sa tigil putukan ang komunista bagkus sila pa raw ang nangunguna na maglunsad ng mga karahasan laban sa mga government forces.
Walang tigil din daw ang kanilang operasyon laban sa mga teroristang grupo lalo na sa CPP NPA na ngayon nagkahiwa-hiwalay na at splintered sa malilit na grupo.
“Patuloy ang ating pagtugis dito sa armadong grupo na splintered into small formations na nandun lang sa hinterlands, identified naman sa buong bansa, meron sila pockets sa hinterlands sa Mindanao, Visayas at Luzon,” pahayag pa ni Gapay.
Ipinagmalaki naman ni Gapay na nagkakaroon na ng magandang resulta ang kanilang giyera laban sa iba’t ibang threat groups lalo na sa CPP NPA.
Kaya hindi raw malayo na matutuldukan na rin ang problema sa insurgency.
“Ang inyong armed forces is winning the wr against the CPP NPA, patuloy ang paghina ng pwersang ito sa pakikipagtulungan natin sa NTF ELCAC at sa ating mga stakeholders, hindi magtatagal na tuluyan na nating maso solve permanently itong problema sa insurgency, ” wika pa ni Gapay.