Maglulunsad ng malalimang imbestigasyon ang AFP kaugnay sa ulat na nakatanggap na ng bakuna laban sa COVID-19 ang ilang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).
Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, pinaiimbestigahan na ni AFP chief Gen. Gilbert Gapay ang nasabing isyu.
Nanindigan din si Arevalo na walang alam ang liderato ng AFP tungkol sa anumang inoculation program sa PSG.
“However, we maintain our previous declaration that the Chief-of-Staff of the AFP was not part of or privy about the circumstances involving the procurement of these vaccines, its source, and the administration thereof to PSG troopers,” saad ni Arevalo sa isang pahayag.
“Hence, General Gilbert Gapay has ordered the conduct of a thorough investigation on the factual circumstances surrounding this incident,” dagdag nito.
Kamakailan nang maging laman ng balita ang PSG matapos mabunyag na may ilan sa kanilang mga tauhan, maliban pa sa ilang mga mieymbro ng Gabinete, ang naturukan na ng bakuna laban sa deadly virus.
Sinabi ni PSG commander Brig. Gen. Jesus Durante III na sila raw mismo ang nagbakuna sa kanilang mga sarili.
Inamin din ni Durante na hindi umano sila humingi ng permiso kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagbabakuna sa ilang PSG personnel.
Depensa ng pinuno ng PSG, ang pagbabakuna ay bilang pagprotekta kay Pangulong Duterte laban sa coronavirus, lalo pa’t ang kanilang pangunahing tungkulin ay siguruhin ang kaligtasan ng commander-in-chief.